Huwebes, Setyembre 11, 2014

K-12: Pag-asa o Paasa?



Edukasyon!

Isang salitang inaasam-asam, minimithi ng lahat ng tao dito sa mundo, lalung-lalo na dito sa ating bayan. Mayaman, mahirap, tama-tama lang - lahat hinahangad ito.

Dito sa Pilipinas, ang nakagawiang sistema ng edukasyon ay 2 taon sa pre-school, 6 na taon sa elementarya, at 4 na taon sa hayskul. sa sistemang ito, marami-raming bilang na ng mga bata ang hindi nakakapag-aral dahil sa kahirapan. Gusthuin man nila'y walang ipantutustos ang kanilang mga magulang sa kanilang pag-aaral. Ngunit, sa kabila nito, ay may inilunsad ang pamahaalaan na isang programa na naglalayon na mas palawakin pa ang kaalaman ng mga mag-aaral at mas lalong hasain ang kanilang mga kakayahan - ang K-12 program.

Sa K-12, mayroong 2 taon sa kindergarten, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa hayskul, at 2 taon sa senior hayskul. Kaiba mula sa nakagawiang sistema, mayroon itong "mandatory" na 2 taon sa kindergarten. Dati rati, pu-puwede ka lang dumeretso ng kinder 2 at hindi na dumaan ng kinder 1. Maganda ang layunin ng programang ito ng gobyerno, ngunit ang tanong, masasakyan kaya ng masa? Sa dating sistema nga eh marami nang hindi nakapag-aral, dito pa kaya na may dagdag pang 2 taon? Dagdag gastos na naman sa bulsa ng mga magulang.

Bukod pa sa mga nabanggit, sa K-12 program, dito na inihahanda ang mga mag-aaral para sa kolehiyo. Sa kapanahunan ng 12 taon na edukasyon sa ilalim ng programang ito ay nakapaloob na ang lahat ng tinatawag na "minor subjects" sa kolehiyo, lalung-lalo na ang mga patungkol sa wika, tulad ng Ingles at Filipino. Pagdating ng mga mag-aaral sa kolehiyo ay puro "major subjects" na lamang ang kanilang aatupagin. Bilang resulta nito ay ang pagkawala ng trabaho ng mga gurong nagtuturo ng mga nabanggit na asignatura. Oo, nagbibigay ito ng pag-asang umunlad ang bayan dahil sa kalidad ng edukasyong dala ito, ngunit may kapalit namang mabigat na pasanin sa balikat ng mga magulang at ng mga guro.

K-12 program - programang naglalayong pabutihin pa ang kalidad ng edukasyon sa bayan at matulad ito sa ibang bansa; naglalayong hasain ang mga mag-aaral para mas lalo silang maging handa sa kolehiyo at sa realidad ng buhay. Ngunit, kaakibat ng mga magagandang hangarin nito ang dagdag gastos para sa mga magulang at kawalan ng trabaho sa mga guro. Mas humigit ang hatak ng negatibong aspeto sa mata ng mga mamamayan ngunit huwag ho rin sanang kalimutan ang positibong aspetong dala nito sa ating bayan. Ngayon, sa kalagayang ito, sa edukasyong mithiin ng mga tao, ano nga ba ang K-12? Pag-asa o paasa? Kayo na ang humusga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento